Mahirap maging pinuno. Mumunting negosyo man o isang tanyag na kompanya, hindi biro ang panahon at pagtitiyagang kinakailangang igugol upang mamuno ng anomang organisasyon. Ito ang katotohanang mapupulot at ikinikintal ng sinomang mapalad na makapag-aral sa Pamantasang De La Salle (DLSU)—isa sa mga institusyong humuhubog sa mga susunod na lider ng ating lipunan.
Aaminin ko, hindi talaga madaling maging tagapamahala o tapangasiwa lalo na sa Pilipinas na halo-halo ang pinanggagalingan ng makasasalmuha sa kuwadradong espasyo ng isang opisina. Mayroong mga mula sa matataas na antas ng lipunan at ‘di rin maiiwasan ang mga payak na namumuhay sa araw-araw. Gayunpaman, nasa puno’t dulo ng epektibong pagmobilisa ang mainam na komunikasyon at pagkakaunawaan.
Sa araw-araw na pagbubuno sa walong oras ng trabaho o higit pa ng ating butihing mga sanitary worker at security guard, mahirap ipagsiksikang maipaintindi ang isang memo o paalalang nakasaad sa purong Ingles.”
Marahil sa puntong ito napakukunot ng noo ang ilang mambabasa. Opo, mula ako sa DLSU at isang estudyante ng Ramon V. del Rosario College of Business. Kilala ang aming kolehiyo sa pagsulong ng inobasyon at likas-kayang pamumuno sa pagnenegosyo—gayundin, sa aming matatas at tila natural na paggamit ng wikang Ingles.
Gayunpaman, nais kong tumiwalag sa imaheng ito dahil kagyat na pag-usapan ang isang paksaing hindi ganoong natatalakay: ang papel ng ating Wikang Pambansa sa pamumuno. Gasgas na gasgas na sa ating pandinig ang kasabihang “English is the language of business,” gayong hindi maikakailang gamay din natin ang naturang wika. Mahalagang pagnilayan ang gampanin ng wika tungo sa mas makataong pamamalakad. [BASAHIN: Kasaysayan ng Buwan ng Wika]
Paggalang at pakikisama
Tuwing magsisimula ang araw ng bawat empleyado, aminin na nating nakaririnding madinig ang notification ng MS Teams o Google Space, depende sa ginagamit ng bawat kompanya. Primera unong babalandra ang magiging utos ng isang bisor na kadalasang kinakailangan as soon as possible (ASAP) o end of day (EOD).
Walang mas magandang patunay sa kapangyarihan ng Wikang Pambansa sa ating relihiyosong pagsambit ng ‘po’ at ‘opo’ bilang paggalang.”
Bilang may katungkulan, hindi nakasanayan sa kulturang Pilipino ang lantarang pag-uutos—mula pa lamang sa mga gawaing bahay na inaatas ni nanay hanggang sa mga pabor na ipinakikisuyo sa ating butihing mga kasambahay. Hindi rin mapipigilan sapagkat taglay ng wikang Ingles ang tonong masasabing nagkukulang ng kalinga na mas nadarama sa wikang Filipino.
Saksi ito na higit na nangingibabaw ang kapasidad ng ating wika bilang instrumento tungo sa mas bukal na pakikitungo. Magandang halimbawa ang ating tradisyonal na pag-umpisa sa mga salita ng “maki–” o “paki–” bilang magalang na pakikisuyo sa ating kapwa. Nababakas ang marangal na pakikiusap sa simpleng paglakip ng mahihinahong unlapi—binibigyang-dangal ang katayuan ng bawat miyembro ng isang organisasyon.
Higit pa rito, walang mas magandang patunay sa kapangyarihan ng Wikang Pambansa sa ating relihiyosong pagsambit ng “po” at “opo” bilang paggalang. Sa usapin ng trabaho at konteksto ng modernong mga korporasyon, hindi lamang nakukubli sa edad ang nasabing kaugalian. Isinasaalang-alang din ang ranggo o tagal ng paninilbihan sa kompanya bilang sukatan ng respeto.
Mababakas sa mga halimbawang ito ang likas na makataong himig ng wikang Filipino na nagbibigay-dignidad sa kapwa—mga kagawiang kadalasang kapos sa konteksto ng modernong “corporate life.” Madalas nang mabansagang “toxic” at talamak ang hilahan sa mga korporasyon kaya’t mainam na pampahupa, kung hindi pagkitil, sa mapang-abusong siklong umiiral ang ating sariling wika.
Nagbubuklod ng pang-unawa
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na madalas na magmistulang bakod, kaysa tulay na nag-uugnay, ang paggamit lamang ng Ingles sa isang organisasyon. Biruan man ito tulad ng kasabihang “nosebleed,” mayroong pagkakataong napag-iiwanan ang mga miyembrong nasa laylayan upang lubusang maintindihan ang layunin ng kinabibilangang kompanya.
Masasabing haligi ng ating ekonomiya ang mga tanyag at naglalakihang korporasyon, ngunit nawa’y hindi makaligtaang isaisip na malaki ang gampanin sa tagumpay ng negosyo ang mga pangkaraniwang Pilipino na nagtratrabaho rito. Karamihan sa kanila ang mga mamamayang hindi kasing tatas ang pang-unawa sa banyagang wika dahilan upang mapag-iwanan sa mga pangyayari sa kanilang paligid.
Halimbawa na rito ang kaso ng ating butihing mga sanitary worker at security guard. Sa kanilang araw-araw na pagbubuno sa walong oras ng trabaho o higit pa, mahirap ipagsiksikang maipaintindi ang isang memo o paalalang nakasaad sa purong Ingles. Imbes na makapagbatid, nagsisilbing balakid ito tungo sa inklusibong ugnayan.
Ngayong Agosto, siguradong kaliwa’t kanan ang pagbababa ng mga memo o anunsyong nakasalin sa wikang Filipino…Gayunpaman, sana hindi lamang ito payak na pagsunod sa isang batas na magtatapos sa pagpasok ng Ber Months.”
Sa pagnormalisa ng wikang Filipino sa lugar ng trabaho, nagiging patas ang pasahan ng impormasyon at karunungan sa lahat ng kaanib. Pinagpapanday nito ang bukal na pakikisalamuha tungo sa mas mapagbuklod na klima. Sa gayong paraan, nakatutulong itong maibsan ng mga manggagawa ang mahirap na pagharap sa hamon ng buhay.
Panawagan sa mga namamahala
Ngayong Agosto, siguradong kaliwa’t kanan ang pagbababa ng mga memo o anunsyong nakasalin sa wikang Filipino. Meron at meron ding mga magpapa-contest para sa best Filipiniana o katutubong kasuotan. Tiyak na pagsisikapan ng ilang kompanya na makiisa sa mandatong ipagdiwang ang Buwan ng Wika.
Gayunpaman, sana hindi lamang ito payak na pagsunod sa isang batas na magtatapos sa pagpasok ng Ber Months. Sana maging mas sensitibo ang mga may kapangyarihan tungo sa mas mapagbuklod na komunikasyon sa kanilang kinasasakupan—tangan ang pananalita at mga kaugaliang nakaukit sa kulturang Pilipino.
Taliwas sa konsepto ng pamumuno, madaling magbitaw ng mga plano at salita. Gayunpaman, nasa panindigan at implementasyon ang tunay na sukatan ng tagumpay. Hindi lamang ito hamon para sa mga nagsipagtapos sa DLSU, Ateneo, o iba pang mararangyang pamantasan. Panawagan ito sa bawat pinunong may kakayahang magsulong ng mas inklusibo at makataong lipunan. Magsilbi at mamuno gamit ang sariling wika. – Rappler.com
Leon “Eo” Matawaran is an undergraduate student of the Applied Corporate Management program under the Department of Management and Organization, Ramon V. del Rosario College of Business, De La Salle University (DLSU). He is the senior editor-in-chief of Ang Pahayagang Plaridel, DLSU’s official student newspaper in Filipino. leon_matawaran@dlsu.edu.ph